Isinasailalim na ngayon sa masusing imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng koneksyon ng nasakoteng mataas na lider ng New People’s Army (NPA) sa inilunsad na pag-aaklas ng grupo ni Sen. Antonio Trillanes IV sa Manila Peninsula sa Makati City.
Kahapon lamang iniharap nina PNP Directorate for Administration, P/Deputy Director Gen. Jesus Versoza at Army Chief Lt. Gen. Alexander Yano ang nahuling si Elizabeth Principe, 56, gumagamit ng mga alyas na Ka Bea Te Chua, Celia Pineda Santos, Vilma, Amorsola, Elsie, Imay, Saleng, Veronica, atbp.
Si Principe ay regular umanong miyembro ng Central Committee at Secretary ng Cagayan Valley Regional Committee (CVRC) ng Communist Party of the Philippines-NPA na may patong sa ulong P5 milyon.
Nabatid na nakatanggap ng intelligence report ang mga awtoridad na may 200 umanong rebeldeng NPA na magpapanggap munang raliyista ang nagbabalak magtungo sa Manila Peninsula para suportahan ang inilunsad na pag-aaklas nina Trillanes at dating Army First Scout Ranger Regiment Brig. Gen. Danilo Lim.
Ang Magdalo na kinabibilangan ni Trillanes ay matagal nang pinalulutang ng militar na may koneksyon sa mga rebeldeng NPA sa bansa.
Ayon kay Yano, si Principe ay nasakote nitong hapon ng Nobyembre 28, 2007 ng pinagsanib na elemento ng Army’s Intelligence and Security Group (ISG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP sa bisinidad ng Ali Mall sa kahabaan ng P. Tuazon St., Cubao, Quezon City.
Si Principe na nasakote sa bisa ng anim na warrant of arrest na inisyu ng korte sa Region 2 ay nahaharap sa kasong rebelyon, kidnapping at double murder sa Ilagan, Isabela; robbery with murder sa Bambang, Nueva Vizcaya; robbery with murder sa Bayombong, Nueva Vizcaya; robbery with murder at robbery with arson sa Dupax del Sur sa Nueva Vizcaya.
“Principe’s long involvement with the local communist movement started when she joined student activism in the University of the Philippines during the period dubbed as “First Quarter Storm of 1979”, ani Yano.
Nabatid na si Principe ay kabilang sa mga unang Cadres ng Regional Medical Staff ng CPPs First Regional Party Committee na itinatag ng komunistang grupo sa Northern Luzon.
Naging asawa niya si Fortunato Camus alyas Ka Roman, isang prominenteng NPA commander sa Northern Luzon. Matapos mamatay si Ka Norman sa engkuwentro sa mga sundalo sa Baler, Quezon noong 1975 ay nagpakasal ito kay Leo Velasco alyas Ka Ben/Vic, miyembro ng Central Committee at pinuno ng CPPs National Military Commission.
“The arrest of Principe is a big blow to the communist terrorists that will further derail their terrorist plans,” sabi pa ni Yano.
Patuloy namang isinasailalim sa interogasyon ng Army si Principe.