Tutukuyin sa susunod na linggo ng isang taxi driver ang apat na pulis kabilang ang isang police woman na nangikil sa kanya kahapon ng madaling-araw sa isang checkpoint sa Maynila.
Kahapon ay personal na dumulog sa tanggapan ng Manila Police District Press Corps (MPD-PC) ang biktimang si Danilo Cerneo, 55, ng Las Piñas City na umano’y kinotongan ng apat na pulis Maynila sa isang checkpoint sa Del Pan bridge sa Tondo, Maynila.
Sa salaysay ni Cerneo, minamaneho nito ang kanyang pinapasadang taxi (PHA-883) nang parahin siya ng apat na pulis sa isang checkpoint. Tinanong umano ng biktima ang kanyang violation at nagpakilala pa siyang pinsan ng reporter na si Renato Quilicol ng People’s Journal subalit sinagot lamang siya na wala umano silang pakialam dito at sapilitang inaaresto at hinihingan ng P500.
Sa takot, nagbigay na lamang siya ng P500 at pinayagan na siyang umalis. Nakatakdang kilalanin ng biktima ang mga nabanggit na pulis para sa plano nitong pagsasampa ng reklamo. (Doris Franche)