Pulis inireklamo sa ‘hulidap’

Isa na namang pulis ang lumabag sa programang “Mamang Pulis” ni PNP chief Director General Avelino “Sonny” Razon makaraang  ireklamo ng isang 21-anyos na lalaki sa kasong hulidap sa harap mismo ng himpilan ng pulisya sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Sa salaysay ng biktimang si Rommel Muyot ng Barangay Bahay Toro, inireklamo niya ang suspek na si PO1 Rolando Daduya ng QCPD-Station 2 (Baler) kung saan tinangay nito ang P2,000 at celfon matapos dalhin sila ng kanyang utol sa harapan ng Camp Tomas Karingal sa Sikatuna Village, Quezon City.

Napag-alamang naglalakad si Muyot kasama ang kanyang utol na si Rosalyn sa Seminary Road nang hin­tuan sila ng suspek sakay ng taxi saka dinala sa nasabing presinto.

Ayon pa sa reklamo, tinangka ring taniman ng suspek ng plastic sachet ng shabu subalit natabig ng biktima ang kamay ng pulis. Sa halip naman na umaksyon ang QCPD-Station 10, pinayuhan na lamang ng mga pulis si Muyot na mag­sampa ng reklamo laban sa suspek sa Quezon City-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Matatandaan na una nang nagbabala si Razon sa lahat ng tauhan ng PNP na tigilan na ang mga iligal na aktibidades partikular na ang mga sangkot sa hulidap, protector ng mga sindikato at nangongotong matapos na ilunsad ang programang “Mamang Pulis” na layuning ilapit ang pulisya sa publiko at maging sumbungan ng bayan. (Danilo Garcia)

Show comments