Tila P200 lamang ang halaga ng buhay ng isang 12-anyos na batang lalaki makaraang magpakamatay ito nang matalo sa larong drop game sa Binondo, Maynila kamakalawa ng hapon.
Ang biktimang si Jose Moya, Grade 6 pupil ng P. Guevarra Elementary School at residente ng 565 Valderama St., Bario Siyete, Binondo, Manila ay patay na nang maisugod sa Gat Andres Bonifacio Hospital.
Nabatid mula sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-2:30 kamakalawa ng hapon nang nadiskubre ang patay ng biktima ng nakatatanda nitong kapatid sa loob ng kanilang bahay.
Bago umano nagpakamatay ang bata ay naglaro umano ito ng color games o kilala sa tawag na drop games pero natalo siya sa halagang P200.
Nabatid na ang natalong P200 ng biktima ay mula sa naipon niyang araw-araw na baon na ibinibigay ng kanyang mga magulang.
Ilan umano sa kasamahang bata ng biktima ang nakasaksi sa pagkatalo nito kaya tinakot umano siya na isusumbong ito sa kanyang mga magulang.
Bunsod nito’y humingi umano ng payo ang biktima sa kanyang mga kaibigan at isa umano dito ang nagsabi na “magpakamatay ka na lang”.
Dakong 2:30 ng hapon nang umuwi ang nakakatandang kapatid ng biktima at nadiskure ang kapatid na nakabitin ang leeg gamit ang isang lubid.
Wala namang rekord ang Manila Police District-Homicide Section dahil ayon kay Leonardo Reyes, security guard ng ospital na wala umanong nagtungong imbestigador sa ospital bagama’t inireport ito dakong alas-4:20 ng hapon at tanging si Ricardo Quimpo, stepfather ng biktima ang kausap ng imbestigador.
Nabatid na ang color games ay pinapatakbo umano ng isang “Zarah” na kapatid umano ng isang Kagawad sa Brgy. 286 Zone 26.