Kotong cop sinibak

Iniutos kahapon ni Philippine National Police Chief Director General Avelino Razon Jr. na tanggalin sa tungkulin at kasuhan ang isang traffic police na nahuli sa akto na nangongotong sa isang driver na lumabag sa batas trapiko sa Parañaque City.     Sinampahan na ng kasong robbery-extortion at paglabag sa “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” ang suspek na si SPO1 Emmanuel Villena, nakatalaga sa Parañaque Traffic Enforce­ment­ Group. Inaresto at kinasuhan rin naman ng obstruction of justice ang nakababata nitong kapatid na si PO1 Arnel Villena, ng Manila Police District-station 9, matapos na makialam sa entrapment operation na isinagawa ng “Mamang Pulis Integrity Task Force” ng Southern Police District sa pamumuno ni C/Supt. Luizo  Ticman.  (Danilo Garcia)

Bonus inagahan

Inaprubahan na ng City Government ng Valenzuela ang pagbibigay ng maagang Christmas bonus sa lahat ng empleyado ng nasabing siyudad, casual man o regular. Ayon kay Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian, iniutos na niya sa kanilang budget department na ipalabas nang maaga ang Christmas bonus ng lahat ng empleyado ng City Hall, gayundin ang pagpapatupad ng sampung porsiyentong dagdag na sahod. Inaasahan ni Mayor Gatchalian na matatanggap din ng mga empleyado ng Velenzuela ang kanilang dagdag na sampung porsiyentong suweldo ngayon katapusan ng buwan ng Nobyembre. (Lordeth Bonilla)

Show comments