Chess player patay sa bala

Sabog ang ulo ng isang chess player nang ito ay mabaril at mapatay habang sugatan ang dalawang kapit­bahay sa isang shoot­ing incident sa Quezon City ka­hapon ng umaga.

Si Ariel Ancao, 28, laborer, ng Elgin St., Inter­ville Sub­division, Brgy. San  Agustin, Novaliches, Que­zon City ay idineklarang dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital bu­nga ng tinamong mga tama ng bala sa ulo.

Habang inoobserbahan naman sa Quezon City Ge­neral Hospital ang mga kapitbahay ni Ancao na sina Amelia Orbe, 52 at Rolito Caraquil, 45, na kapwa tina­maan ng bala sa kanilang katawan.

Batay sa inisyal na ulat na isinumite ni PO3 Rey Hanin ng QCPD Station 4, naganap ang pamamaril bandang 8:10 ng umaga kahapon sa Elgin St.,  Interville Subd.

Lumilitaw sa imbesti­gasyon, nakaupo umano ang biktima na hawak pa ang chessboard habang nag-aabang ng kalaro nang basta na lamang sumulpot  ang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at binaril sa ulo si Ancao.

Sa pagtakas ng gunman ay nagpaputok pa ito ng baril at tinamaan sina Orbe at Caraquil bago sumakay sa naka­paradang Ford  Fierra di kalayuan sa lugar ng pinang­yarihan. (Angie dela Cruz)

Show comments