Isang malalim na imbestigasyon ang isinasagawa ng Manila Police District hinggil sa pagkamatay ng isang lalaking Caucasian na tadtad ng saksak at namatay sa loob ng isang taxi bago pa man makarating sa ospital sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang mga calling cards at ATM cards na si Gordon Barker, tinatayang 43-46 anyos, blonde ang buhok, katamtaman ang pangangatawan, may taas na 5’10’’, nakasuot ng stripe na polo shirt na may brand na D & G, at Levi’s maong pants.
Sa report ng pulisya, dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa kanto ng Pres. Quirino Avenue sa kanto ng Carolina St., Malate.
Sa salaysay ni Saturnino Molina, 60, may-asawa, taxi driver ng RAL taxi (TWS 517), nauna muna itong naghatid ng mag-asawang pasahero sa Anito Lodge nang sa paglabas nito ay pinara siya ng nasabing biktima at nakiusap na ihatid ito sa ospital. Napansin ng driver na isa itong foreigner at duguan kaya idineretso nito sa Ospital ng Maynila subalit patay na bago pa man nakarating doon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tatlong tama ng saksak ang tumagos sa dibdib ng biktima. Nakuha rin sa biktima ang ilang calling cards at ATM cards na pinagkilanlan sa kanya, necklace at halagang P8,2000 at US$50.
Inaalam ng pulisya kung galing ang biktima sa malapit na motel at kung may kasama ito o sa iba pang malalapit na bar upang maumpisahan ang pagsasagawa ng imbestigasyon at matukoy ang di nakilalang suspek. (Grace dela Cruz)