Pinalakas kahapon ng mga awtoridad ang seguridad sa Ninoy Aquino International Airport [NAIA] matapos sumabog ang bomba noong Martes ng gabi sa House of Representatives na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ang isang Mambabatas at ikinasugat ng sampung iba pa.
Sinabi ni ret. General Angel Atutubo, Assistant General Manager for Security ng Manila International Airport Authority (MIAA), isinailalim sa “Oplan Jumbo” ang lahat ng airport sa bansa at itinaas ang alert level upang matiyak ang seguridad ng publiko at upang mapigil ang anumang pagtatangka ng ilang grupong gustong maghasik ng lagim at kaguluhan.
“Lahat ng airport ay posibleng target ng terorismo. Kaya, pinalakas namin ang seguridad at naglagay ng karagdagang tauhan sa lahat ng paliparan base sa sitwasyon,” ani Atutubo.
Sinabi ni Atutubo, na mag-deploy ng bomb sniffing dogs mula sa K-9 Unit sa mga checkpoints patungo sa NAIA upang makatulong sa manual security check na isinasagawa sa lahat na pumapasok na sasakyan.
Inatasan naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang lahat ng pribadong guwardiya na paalisin kaagad ang mga sasakyang pansamantalang nakahimpil sa NAIA departure area matapos magbaba ng pasahero upang hindi makasikip at maging malinis sa mga sasakyan ang naturang lugar.
Umiikot naman ang mga miyembro ng pulisya na may kasamang K-9 dogs sa ilang lugar na dinadaanan ng mga pampublikong sasakyan sa paligid ng airport at perimeter fences ng airport tarmac.
Samantala, sinabi ni MIAA General Manager Alfonso Cusi na walang dapat ikabahala ang publiko dahil maayos ang implementasyon ng seguridad sa paliparan bunsod na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng MIAA at sa pakikipagkooperasyon ng ibang ahensiya ng gobyerno. (Butch Quejada)