Armored van holdap: 3 kritikal

Tatlo katao ang malubhang nasugatan, habang tina­tayang mahigit sa P.8 milyon ang natangay ng arma­dong kalalakihan sa armored van robbery na naganap, kahapon ng tanghali sa Las Piñas City.

Nakilala ang mga sugatang biktima na sina Ruel Mato, sekyu ng Shell gas station; Richard Garcia, kustomer; at isang Joseph Nietos.

Dakong alas-12 ng tanghali nang mangyari ang nasabing insidente sa Shell gasoline station sa Casi­miro Road, Las Piñas City.

Nabatid na kasalukuyan umanong ikinakarga sa loob ng isang armored van ng Banco de Oro ang nasabing halaga na kinita ng Shell Select store na pag-aari ng nasabing gasolinahan nang biglang dumating ang mga armadong kalalakihan na pawang lulan ng motorsiklo.

Agad umanong pinaulanan ng bala ng mga suspect si Mato na ikinahagip naman ng dalawa pang biktima.

Sa ilang segundo lamang umano ay nagawa agad ng mga suspect na makuha ang nasabing halaga sa loob ng nasabing van.

Hindi naman nagawa pang maabutan ng mga nag-respondeng miyembro ng pulisya ang mga suspect na mabilis na nagsitakas matapos na maisakatuparan ang kanilang pakay. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments