Butas ang bungo ng isang security guard matapos na umano’y pumutok ang kanyang service firearm habang pinaglalaruan ito papasok sa kanyang guardhouse sa tinatanurang kumpanya sa Valenzuela City, kahapon.
Dead-on-the spot si Ronald Jorquia Elemanco, 21, may-asawa, tubong Surigao, security guard sa Petros Security Agency at naninirahan sa Brgy., Socol, Calumpit, Bulacan.
Ayon sa ulat ni SPO2 Jess Saguisi, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente dakong 1:30 ng hapon sa loob ng guardhouse ng SMP-Chemicals Inc. na matatagpuan sa Fortune Village 4, Paso de Blas, Valenzuela City.
Nakita ng testigong si Noel Banton, electrician sa kumpanya, ang biktima na pinaglalaruan ang isang baril habang papasok sa kanyang guardhouse.
Matapos mai-punched ng biktima ang kanyang time card at umalis. Isang malakas na putok ng baril ang narinig ni Banton, hanggang sa makita na lamang ng huli ang una na nakasubsob sa semento at naliligo sa sarili nitong dugo.
Sa pagsisiyasat ni Scene of the Crime Operatives (SOCO) ni Chief Insp. Domingo Alminiana, nagtamo ng isang tama ng bala sa kanang sentido ang biktima na naglagos pa sa likurang bahagi ng ulo nito na agad niyang ikinamatay.
Teorya ng mga awtoridad, posibleng habang hawak ng biktima ang kanyang baril at pinaglalaruan saka naitutok niya ito sa kanyang sentido at nakalabit kaya pumutok.
Maari rin umanong insidente ito ng pagpapakamatay at isinagawa sa mismong lugar kung kaya patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad ang nasabing pangyayari.
Isinagawa na rin ng awtoridad ang paraffin examination sa kamay ng biktima upang matukoy kung may gun powder residue ito na indikasyon na nakalabit nito ang nasabing baril. (Ricky Tulipat)