Hindi nagpasilaw sa kinang ng salapi ang isang janitor sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na isoli nito ang napulot na 600,000 Korean won habang naglilinis sa loob ng isang kadarating na eroplano mula Taipei kamakalawa ng gabi. Pinuri ni Manila International Airport Authority General Manager Alfonso Cusi ang ginawang katapatan ng janitor na si Joseph Sta. Ana, aircraft cleaner ng Excellent Services Inc. na nakatalaga sa NAIA.
Base sa pahayag ni Sta. Ana, habang naglilinis siya sa loob ng ACRP-2P461 ng Air Philippines na may biyaheng Taipei-Manila nang mamataan nito ang isang puting envelope sa seat 2-E kaya agad nitong nilapitan at pinulot. Nang buksan niya ito ay tumambad ang 60 pirasong Korean won na may 10,000 denominations. Dahil dito, hindi naman sumagi sa isip ng nasabing janitor na ibulsa ang napulot na pera at agad na ipinagbigay-alam nito sa cabin security-on-duty na si Elizar Gamboa dahil sa wala rin siyang access pass para iturn-over ang pera sa arrival area.
Sa kasalukuyan, wala pang pasahero ang nagki-claim sa naturang naiwang halaga sa eroplano. (Ellen Fernando)