Kelot lasog sa bus

Kalunus-lunos na kamatayan ang inabot ng isang lalaki makara­ang magulungan ng humahagibis na bus habang lulan ng kanyang motorsiklo kahapon sa Quezon City.

Nakilala ang nasawing biktima na si Johnson Dennis Isla, 22,  ng San Francisco St., Novaliches, ng naturang lungsod. Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Rolando Perez, 40, ng Brgy. Virata, GMA ,Cavite at driver ng Genesis bus (NYY-113).

Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-12 ng tanghali sa southbound lane ng Edsa-Cubao area. Nabatid na sakay ng kanyang motor ang biktima at binabaybay ang EDSA nang dumulas umano ang motorsiklo sa lubak na bahagi ng kalsada sanhi upang tuluyang mawalan ito ng kontrol at mapailalim sa kasunod na bus.

Nagulungan pa umano ang biktima ng bus sanhi ng agad nitong kamatayan. Pinag-aaralan naman ng pulisya ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide laban sa driver ng bus. (Danilo Garcia)

Show comments