Full alert pa rin sa MM!

Nakataas pa rin at mana­natili ang seguridad ng Na­tional Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga bus terminals sa Metro Manila dahil sa inaasahang pagbaba­lik ng mga bakasyunista na nag­tungo sa kanilang mga lalawigan.

Sinabi ni NCRPO chief, Di­rector Geary Barias na mana­natili pa rin ang kanilang puwersa hanggang ngayong Sabado sa mga bus terminals upang magbantay pa rin sa posibleng pagsalakay ng mga terorista o iba pang kalaban ng pamahalaan na maaaring mag­samantala.

Ipinagmalaki naman nito ang pagbaba ng naganap na krimen nitong Araw ng mga Santo kung saan nakapagtala lamang ang NCRPO ng 11 kri­men sa buong Kamay­nilaan.  Malaki umano ang ibi­naba nito kumpara sa 63 krimen na naitala noong naka­raang taon. 

Sa kanilang talaan, tanging malaki lamang umano sa na­ganap na krimen ang pana­naksak sa sementeryo sa Pateros, akyat-bahay sa Las Piñas City, at ilang maliliit na krimen tulad ng pagkaka­huli sa pagdadala ng baril. 

Hindi naman kasama sa talaan ng NCRPO ang mga na­iulat sa mga pahayagan na krimen tulad ng dalawang sepulturero na nagsuntukan sa Manila North Cemetery, isang lalaki na pinagbabaril ng 5 lalaki sa Pasig City at isang lalaki na tinodas naman ng 2 suspek na nakamotorsiklo sa Novaliches, Quezon City.

Sinabi ni Barias na ang pagbaba ng krimen sa mga se­menteryo ay dahil sa pagta­talaga ng 5,000 tauhan ng pulisya at pagtulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan at ang maagang pagpapaalala sa publiko ng mga ipinagba­bawal na dalhin sa mga sementeryo.

Ang seguridad na ipina­tupad naman ngayong Undas ay siya ring ipapatupad naman ng NCRPO at buong PNP sa bansa sa selebrasyon naman ng Pasko at Bagong Taon ngayong Disyembre.

Show comments