Masaklap na karanasan ang sinapit ng isang magandang bagong graduate na dalaga matapos halinhinang halayin ng 7 lalake sa lungsod Caloocan na iniulat kahapon.
Halos hindi makapagsalita sa tindi ng sakit nang magtungo kasama ang kanyang mga magulang sa tanggapan ng Womens and Children’s Concerned Desk (WCCD) ng Caloocan-PNP, ang biktimang itinago sa pangalang Carol, 18, computer science graduate upang pormal na ireklamo ang pitong suspek na humalay sa kanya, dalawa sa mga ito ay nakilala sa mga alyas King at Bryan, na kapwa naninirahan sa Kaunlaran Village, Caloocan City.
Sa salaysay ng biktima, naganap ang gang-rape sa pagitan ng ala-1 hanggang alas-2 ng madaling-araw sa bahay ng suspek na si King at Bryan .
Ayon sa biktima, inaya siya ng kakilalang si Noli sa bahay ng suspek upang magkasiyahan at dahil kapitbahay lang at para hindi mapagsabihang suplada ay nagpaunlak siya kasama ang isa pang kaibigang dalaga na si Natalia.
Pagdating sa bahay ng suspek na sina King at Bryan ay nadatnan nila ang lima pang mga kalalakihan na nag-iinuman at makatapos kumain ay nagkayayaan na umanong mag-inuman ang grupo.
Makalipas ang ilang sandaling inuman ay nakaramdam ng pagkahilo ang biktima at nagdilim ang kanyang paningin hanggang sa mawalan ito ng lakas at maramdaman na lamang ng dalaga na halinhinan na siyang pinagsasamantalahan ng pitong kainuman. (Lordeth Bonilla)