Sumabay sa halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan ang isang sunog na tumupok sa higit 100 barung-barong kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Bureau of Fire Protection Fire Marshall Chief/Insp. Oscar Villegas, naganap ang sunog dakong alas-5:37 ng madaling- araw sa squatter’s area sa panulukan ng E. Rodriguez at Araneta Avenue sa Brgy. Tatalon, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, hinihinalang nag-ugat ang sunog sa isang napabayaang kandila sa bahay ng isang Venchito Castillo, isang barangay tanod. Nabatid na walang suplay ng kuryente sa naturang lugar matapos na putulan sila ng Meralco dahil sa talamak na pagnanakaw ng kuryente sa mga iligal na koneksyon ng mga residente.
Tumindi naman ang tensyon sa lugar nang mangamba ang mga bumbero na mahagip ng apoy ang isang gasoline station na may ilang metro lamang ang layo sa lugar ng sunog. Maagap namang binasa ng mga bumbero ang bisinidad ng gas station at matagumpay na hindi umabot ang apoy. Sinabi ng mga bumbero na malaking pagsabog ang posibleng maganap kung maabot ng apoy ang gasoline station.
Umabot sa Task Force Alpha ang naturang apoy at naapula lamang dakong alas-8:16 ng umaga. Bigo naman ang mga pamatay-sunog na mailigtas ang marami sa mga kabahayan dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy dahil sa gawa sa light materials ang mga barung-barong. Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa sunog. (Danilo Garcia)