Matapos ang mahigit dalawang buwan paghahanap sa kanyang kapatid na nawawala kinumpirma ng isang Chinese national na kapatid niya ang babaeng Intsik na natagpuang patay at nakalutang sa Manila Bay noong Agosto 21, 2007 sa Ermita, Maynila.
Kinilala kahapon ni Irlen Kho, 39, dalaga, Chinese national, accounting supervisor at residente ng 401 Ayson Bldg., 627 Carval St., Binondo, Manila ang bangkay ng kapatid nito na nasa Popular Funeral Homes na si Helen Kho, 46.
Si Helen ay unang inireport na natagpuang nakalutang sa Manila Bay pero walang nakitang pagkakakilanlan dakong 6:30 ng umaga sa Decesion T-Bar sa Roxas Blvd., malapit sa kanto ng Sinagoga St., Ermita noong Agosto 21, 2007.
Sinabi ni Irlen sa pulisya, huli nitong nakitang buhay ang kapatid dakong 9:15 ng gabi noong Agosto 20 matapos silang nag-away dahil sa trabaho sa loob ng kanilang bahay. Naglayas ang biktima at hindi na ito nakita pagkatapos nilang mag-away na magkapatid.
Ayon kay Irlen kung saan-saan na niya hinanap ang kapatid pero hindi niya ito matagpuan hanggang sa napagpasyahan niyang magtungo sa mga morgue kung saan sinabihan ito na magreport sa tanggapan ng MPD na nagresulta sa pagkakahanap nito sa nawawalang kapatid.
Inamin pa ni Irlen na mahina ang pag-iisip ng kapatid nito at tatlong beses na umano itong nagtatangkang lumayas at ang una ay noong Hulyo 2005 subalit bumalik din ito sa kanilang bahay. Bukod dito nagbabanta rin umano ang biktima na magpapaka lunod subalit hindi rin niya umano nito ginagawa. (Doris Franche)