Bayad center hinoldap

Tinatayang  aabot sa may P120,000 ang nakulimbat  sa loob ng isang bayad center ma­karaang  holdapin ito ng dala­wang armadong lalaki kahapon ng umaga  sa Sta. Cruz, Maynila.

Nagtungo sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Theft and Robbery Section (TRS) para magrek­lamo sina Cecelio Aminio, 54, may-ari ng Bayad Center, ng 848 Urata St., Arkong Bato St., Valenzuela City at Othelio John Tiu, 27, teller ng 64-A Gen. Luna St., Parang Ma­rikina City.

Nabatid sa report ni PO2 Jericho Jimenez ng MPD-TRS, dakong 11:45 ng umaga nang naganap ang holdap sa loob ng tanggapan ng Bayad  Center sa 1323 Meralco Bldg., CM Recto Sta. Cruz, Manila.  Kalalabas lamang ng ilang kos­tumer  nila na nagbayad nang pumasok naman ang da­lawang suspect na nagpang­gap ding mga kostumer.

Paglapit ng dalawa kay Tiu ay biglang naglabas ng baril ang mga suspect, nagdeklara ng hol­dap at inutusan na ibi­gay ang pera. Walang nagawa ang da­lawa kundi mistulang iabot sa mga suspect ang tinatayang P120,000 na bayad ng mga customer.

Nalaman na walang gu­war­diya ang naturang bayad center. (Doris Franche)

Show comments