Patay ang isang lalaki makaraang masaksak ito ng tangkaing awatin ang anak na nasangkot sa isang rambol kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Dead on arrival sa Rizal Medical Center sanhi ng isang saksak sa kaliwang dibdib ang biktimang si Eduardo Masbate, 43, pintor, residente ng #9 Villa Roas st. Brgy. Sto. Tomas nasabing lungsod.
Naaresto naman ang pitong suspek na nakalaban ng grupo ng anak ng biktima, ilan sa mga ito ay kinilalang sina Ronnel Talip, 19; Edmon Mendoza, 19; John Fernandez, 18, at apat pang nasa edad 15 hanggang 17-anyos.
Ayon sa ulat ni PO2 Norman Barcellano, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang makasagupa ng grupo ng mga suspek ang grupo ng anak ng biktima na sinasabing 16-anyos lamang sa kahabaan ng bagong Taon st., Brgy. Sto. Tomas.
Tinangkang pumagitna ng biktima para umawat sa mga nagkakagulong kabataan sa takot na mapahamak ang kanyang anak subalit siya naman ang pinagbalingan ng isa sa mga suspek at sinaksak ito.
Matapos ang insidente ay agad na nagsitakas ang magkabilang grupo ngunit naaresto sa ginawang follow-up operations ang mga nasabing kabataan.
Wala namang umamin sa mga suspek kung sino ang naka saksak sa biktima kaya ang mga ito ay kasalukuyang pinipigil sa Pasig City detention cell habang iniimbestigahan. (Edwin Balasa)