Dalawang magkaangkas sa isang motorsiklo ang kapwa nasawi makaraang sumalpok sila sa isang rumaragasang 10-wheeler truck kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Joel Nera, 20, ng #62 Republic Avenue, Brgy. Fairview, Quezon City at ang angkas nito na nakilala pa lamang sa alyas na Boy.
Sa ulat ng Quezon City Traffic Sector 5, dakong alas-2:30 ng madaling- araw nang maganap ang aksidente sa fly-over sa panulukan ng Commonwealth at Tandang Sora Avenue.
Nabatid na kapwa walang suot na helmet ang mga biktima na sakay ng isang Honda motorcycle (OS-4732) nang sumalpok sila sa Isuzu cargo truck (PMZ-715) na minamaneho ni Demetrio Composo. Nagawa pang maisugod sa East Avenue Medical Center ang dalawa ngunit hindi na rin umabot ng buhay dahil sa tindi ng pinsalang tinamo ng kanilang katawan.
Kusang-loob namang sumuko sa pulisya si Composo na nakatakdang sampahan ngayon ng kasong reckless imprudence resulting to double homicide.
Sa hiwalay na insidente dakong ala-1 ng madaling-araw, malubha namang nasugatan sina Jester de Vera, 23, isang inhinyero, ng SSS Village, Marikina City; at manager na si Ronaldo Dagaje, 32, ng UP Diliman, Quezon City nang sumalpok naman ang sinasakyan nilang Toyota Corolla Altis (XGS-115) sa concrete barrier na inilagay ng Metropolitan Manila Development Authority sa Commonwealth Avenue.
Agad namang naisugod sa EAMC ang dalawa na hinihinala sa inisyal na imbestigasyon na nakainom ng alak.