Hindi na nakayanan ng isang 41-anyos na mananahi sa Tondo, Maynila na tiisin pa ang sakit na “cancer” na 10 taon na niyang dinadala kung kaya’t mas pinili na nitong magpatiwakal.
Matigas at wala ng buhay na natagpuang nakabitin sa kisame ng bahay si Gina Lacap, dalaga, tubong Pampanga, stay-in sewer sa San Rafael Garments Malaya St., Balut, Tondo.
Nadiskubre ito ng kanyang kaibigan na si Jocelyn Espartero sa tinutuluyan nilang bahay sa Area 134 Brgy. 126 Zone 10 Malaya St. San Rafael Village Balut, Tondo. Sampung taon nang nakikitira ang biktima kay Jocelyn dahil malapit lang ito sa kanilang pinapasukang patahian.
“Nagpahiwatig siya sa akin na gusto na niyang tapusin ang paghihirap niya (biktima) pero hindi ko ito pinansin kaya nagulat na lang ako nang makita ko siyang nakabitin,” pahayag ni Jocelyn kay Jaime Gonzales ng MPD-homicide section.
Malala na umano ang sakit na “myoma” ng biktima na nauwi na sa cancer. (Grace dela Cruz)