Makakapanood na ng sine, tatlong beses kada linggo, ang mga residente at mga senior citizen ng Maynila matapos na maipasa ng konseho ng Maynila sa ikatlo at huling pagbasa ang ordinansa na nagtatalaga ng libreng panonood ng sine sa lungsod.
Sa ipinasang ordinansa na iniakda nina Manila 4th district councilor Edward V.P. Maceda IV at 3rd District councilor Manuel Zarcal, libre nang makakapanood ng sine ang mga taga-Maynila at senior citizen tuwing Lunes, Martes at Huwebes. Subalit hindi naman maaring gamitin ang pribilehiyo tuwing unang araw ng showing ng isang pelikula at tuwing legal at special holidays.
Ipinaliwanag din ni Maceda na ang mga senior citizens ay maaaring manood ng libreng sine isang beses lamang kada araw na itinakda ng ordinansa. Dapat lamang nilang ipakita ang kanilang card upang ito ay malagyan ng notation. Kung may kasama naman ang senior citizen, ito ay dapat magbayad ng regular admission fee.
Hindi sakop ng ordinansa ang mga junkets, tours o organized group activities na binubuo ng mga senior citizens. Ang junkets ay mga grupo na binubuo ng mahigit sa 10 senior citizens.
Para sa mga sinehan na tatangging papasukin nang walang bayad ang sinumang kwalipikadong senior citizen, posibleng magmulta ang mga ito ng P5,000 o isang buwan na pagkakulong o pareho. (Doris Fanche)