Limang platoon ng mga sundalo ang ipinakalat kahapon ng AFP- National Capital Region Police Office (AFP-NCRCOM) sa Metro Manila upang suportahan ang mga elemento ng pulisya sa pangangalaga ng seguridad ng mamamayan. Ito ang inihayag kahapon ni AFP-NCRCOM Spokesman Capt. Carlo Ferrer kung saan ay naghigpit na rin sila sa mga checkpoints at pagpapatrulya kasama ang mga elemento ng pulisya upang maiwasang maulit pa ang madugong Glorietta bombing kamakalawa na ikinasawi ng 9 katao, habang mahigit pa sa 100 ang nasugatan.
Nitong Sabado, ay dumating sa Camp Aguinaldo galing sa 7th Infantry Division (ID) sa Palayan City, Nueva Ecija ang tropa ng Army’s 48th Infantry Battalion (IB) . Inihayag ni Ferrer na nagdispatsa sila ng tig-isang Army platoon sa bawat limang Distrito ng pulisya sa Metro Manila para magpatupad ng mahigpit na pagbabantay sa mga shopping malls, hotels, pasilidad ng transportasyon, simbahan at iba pang matataong lugar.
Sa panig naman ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., aabot sa kabuuang 6,000 pang pulis at sundalo ang magsasagawa ng security patrol sa National Capital Region.
Kabilang pa sa mahigpit na babantayan ay ang mga oil depot , MRT, LRT station at lahat ng lugar na itinuturing na ‘soft target’ ng terror attack. “We remain full or red alert to serve as a deterrent to anyone who may wish to take advantage of the situation,” ang sabi naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
“There is heightened presence of police and military personnel in Metro Manila, checkpoints are being conducted, visibility police and AFP visibility in public places and areas particularly hotels malls and other places where people converge,” dagdag pa nito. (Joy Cantos)