Patay agad ang isang 38-anyos na babaeng trader makaraang barilin nang malapitan sa ulo ng isang hindi pa nakilalang armadong lalaki sa harap pa mismo ng kanyang mister at kaibigang Indian National, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.
Wala ng buhay nang isugod ng kanyang mister na si Fernando Nono at ng kaibigang Bombay na kinilalang si Manjinder Singh sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Chona Nono, residente ng 16-H Cagayan St., Sta. Ana, Manila bunga ng tama ng cal. 45 sa ulo.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:45 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa bahagi ng Redemptorist Road, malapit sa isang kilalang fast food chain, Brgy. Baclaran, Pasay City.
Kalalabas umano sa simbahan ng biktima kasama ang mister nito at ng nasabing Indian national at habang bumibili ang una ng doormat ay bigla itong nilapitan ng nag-iisang salarin na armado ng baril at agad na pinaputukan nang malapitan sa ulo.
Matapos ang pamamaril, mabilis na dinampot ng suspect ang hawak na bag ng duguan at nakabulagtang ginang at naglakad lamang ito na parang walang nangyari patungo sa Aguarra St. sa naturang lugar.
Agad dinala sa naturang pagamutan ang biktima subalit idineklara itong patay na ng attending doctor na si Adam Chua.
Nabatid naman sa mister ng biktima na ang bag na tinangay ng suspect ay naglalaman ng NOKIA N95 cellphone, wallet na naglalaman din ng hindi pa nababatid na halaga ng salapi.
Bukod sa robbery hold-up, tinitingnan din ng pulisya ang posibleng atraso sa pautang bilang motibo sa pamamaslang sa huli matapos na mapag-alaman na ang nasabing ginang ay nagpapa-5-6.