Dalawang dayuhang bilanggo sa detention cell ng Bureau of Immigration sa Bicutan, Taguig ang kumpirmadong nakatakas kaya iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad ang mga umiskort at responsable sa pagtakas ng mga ito.
Sinabi ng BI jail warden na si Enrico Paner na isang Koreano na nakilalang si Yoo Hang Mok ang nakatakas nang magpagamot umano ito sa St. James Medical Center sa Pampanga at ineskortan ni Ronald Cayabyab.
Dahil dito, isinailalaim sa preventive suspension si Cayabyab at pinagpapaliwanag kung bakit nakatakas ang dayuhan.
Bukod pa rito, isa pang German national din ang umano’y napaulat na nakatakas at nasa pangangalaga na ng German Embassy. Ang ulat ay itinanggi ng nasabing embahada.
Nang itanong ito kay Paner, tumanggi itong kumpirmahin dahil hindi pa siya ang nakatalagang warden nang ang nasabing Aleman ay nakatakas.
Nilinaw din ni Paner na nag-report na sa Bicutan Jail ang sinasabing nakatakas na British national na si William Marquez. (Ludy Bermudo)