Police protection hingi ng bagong testigo

Humihingi ng proteksiyon sa Manila Police  District-Homicide Section ang isang babaeng nagbunyag sa pulisya hinggil sa impormasyong buhay pa umano at itina­tago lamang ng amang si Gerald  Palma ang tunay na Dindin o Geraldine Palma.

Batay sa mensaheng natanggap ng MPD-Homicide mula kay Elizabeth Ablana, ang kaibigan ng nagngangalang Felma (dating katulong ng pamilya Palma at ina ni Dindin), nanga­ngamba siya sa kanyang buhay dahil sa mga lalaking umaali-aligid umano sa kanilang lugar.

Duda umano si Ablana na may mga taong nais siyang takutin makaraang luma­bas ang kanyang pangalan sa mga paha­yagan na nagbigay ng mga impormasyong buhay pa si Dindin at kasama ito ng yayang si Maritess Ontog sa Boracay.

Sa intelligence report ng MPD, hindi na umuuwi sa Pasig si Gerald Palma at nagpapahanap na umano ito ng bahay sa parteng Alabang  at Laguna.

Nabatid na minamanmanan na rin ng pulisya ang bahay ni Palma sa Boracay na matatagpuan umano sa tapat ng Central Elementary School, kung saan nakatira umano ang maybahay nitong si Cecil.

Inaasahang matutukoy na bago ma­tapos ang buwan ng Oktubre kung si Dindin o ibang bata ang nailibing sa Manila Memorial Park, sa paglabas ng resulta ng DNA test na isinagawa ng National Bureau of Investigation.

Ang batang si Dindin ang naunang napaulat na batang natagpuang patay sa loob ng isang maletang lumulutang sa Manila Bay kamakailan. (Ludy Bermudo)

Show comments