Nabaril at napaslang ng mga awtoridad ang tatlong pinaghihinalaang holdaper sa isang shootout makaraang maaktuhang nanghoholdap sa isang pampasaherong jeep, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan sa napaslang na mga suspek.
Naganap ang insidente sa may northbound lane ng Commonwealth Avenue sa naturang lunsod sa harapan ng Diliman Preparatory School dakong alas-7:15 kamakalawa ng gabi.
Sa insidente, isang pasahero na nakilalang si Ana Fernandez ang nabalian ng kanang braso makaraang tumalon mula sa naturang sasakyan nang magdeklara ng hol dap ang mga suspek. Si Fernandez ay patuloy na naka-confine sa Malvar General Hospital.
Sa pahayag ng driver ng jeep na si Edgar Limo, ang apat na suspek ay sumakay sa kanya sa may bahagi ng Philcoa kung saan ang isa sa mga ito ay umupo sa kanyang tabi at ang tatlo naman ay umupo sa likuran.
Sinabi ni Limo na agad siyang tinutukan ng kutsilyo ng suspect na nasa harapan, habang ang ibang suspek ay naglilimas ng pera at mahahalagang gamit ng mga pasahero.
Naaktuhan naman ng nagpapatrulyang pulis QCPD ang komosyon sa loob ng jeep kaya agad silang nagresponde.
Papatakas na ang mga suspect nang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad na naging sanhi ng kanilang kamatayan. (Angie dela Cruz)