Binawian ng buhay ang isang 16-anyos na dalagitang high-school student matapos itong tamaan ng ligaw na bala mula sa isang nagwawalang lalaki na nasa impluwensiya umano ng ipinagbabawal na gamot kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Patay na nang idating sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Kimberly Paleracio, # 57 Everlasting Street, Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamo nitong tama ng bala ng baril sa katawan.
Tinutugis naman ng mga elemento ng Caloocan City-PNP ang suspek na si Lester Francisco “alyas Ponga”, 22, taga #20 Demokrasya Street, Barangay 149. Bagong Barrio, na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng suspek habang ang biktima ay kasalukuyang nakatayo at nakikipagkuwentuhan sa kanyang dalawang kaibigan.
Bigla na lamang lumabas ang suspek ng kanyang bahay na lango sa droga at armado ng baril kung saan naghahamon pa ito ng away.
Ayon sa ilang nakasaksi ng mga pangyayari, sunud-sunod na nagpaputok ang suspek.
Dahil sa ginawa ng suspek, tinamaan ng ligaw na bala ang dalagitang biktima, kung saan duguan itong humandusay sa lupa. Mabilis na isinugod ang biktima ng ilang mga taong naroroon sa nabanggit na pagamutan, ngunit hindi na ito nakarating ng buhay. Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa naturang kaso. (Lordeth Bonilla)