Hinihinalang nanlaban ang isang 62-anyos na taxi driver sa posibleng mga holdaper matapos na gilitan ito sa leeg sa loob ng kanyang sasakyan, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Nakilala ang biktima na si Ernesto Aparecio, driver ng GM Ibarra taxi (PWA-209) na may garahe sa Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 ng madaling-araw nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang taxi sa isang madilim na bahagi ng Magat Salamat Street, Project 4, ng naturang lungsod.
Ayon sa mga residente ng lugar, dakong alas-10:30 ng gabi nang una nilang napansin ang naturang taxi na naka-high beam ang ilaw at tumatakbo ang metro kaya inakala nila na may hinihintay lamang ito.
Nagtaka naman sila nang lumipas ang ilang oras ay hindi pa rin ito umaalis dagdag pa na wala silang makitang tsuper. Dito na humingi ng tulong ang mga residente sa barangay tanod sa lugar na siyang nakadiskubre sa bangkay ng biktima na nakalugmok sa sahig ng sasakyan.
Sinabi ng pulisya na panghoholdap ang pangunahing motibo ng naturang krimen dahil sa nalimas ang lahat ng kinita ng biktima at mga alahas. Maliban dito ang isang P50 bill na nakita sa sahig ng taxi na possible umanong nalaglag ng mga suspek sa kanilang pagmamadali.
Hinihinala ng mga imbestigador na nasa dalawa hanggang tatlong suspek ang may kagagawan ng krimen. (Danilo Garcia)