Aabot sa dalawampu-katao ang iniulat na inaresto ng mga awtoridad dahil sa pagnanakaw ng mga kable ng kuryente at lighting fixtures sa kahabaan ng Baywalk sa Roxas Blvd., Maynila.
Sa ulat na tinanggap ni Manila Mayor Alfredo Lim, dalawa sa mga suspek na miyembro ng Pulis Oyster ay sina Arnel Rivera, 24; at Anthony Sevillano, 21, kapwa residente ng Isla Puting Bato.
Nadakip ng grupo ni P/Supt. Jojo Rosales, ay ang isang alyas Sidweak Yago, 53 na nakumpiskahan ng baril na walang lisensiya.
Ilan din sa mga suspek ay hindi lamang kable ng kuryente ang ninanakaw kundi maging mga lamppost. Isa dito ay si Ronald Aguilar, 48, chief security ng Manila Teachers Savings and Loans Association.
Kasabay nito, nadakip naman ng mga tauhan ni P/Supt. Hilario Orallo, ang mga suspek na sina Alfredo Calo, 25; at Manolito Martin, 23, na naaktuhang nagnanakaw ng kable ng kuryente sa tabi ng isang public comfort rooms sa Quirino Avenue.
Napag-alaman na ang mga ninakaw na electrical wires ay ibinebenta sa mga junk shops sa halagang P50 hanggang P100 kada metro.
Dahil dito, sinabi ni Mayor Lim na inatasan niya ang Baywalk Special Police Patrol na higpitan ang pagbabantay upang matiyak ang seguridad ng naturang lugar. (Doris M. Franche)