Kelot patay sa bayaw

Patay  ang isang lalaki maka­raang barilin ng kanyang bayaw dahil sa pagmamatigas nito na lisanin ang inuupahang bahay na pag-aari ng suspek, kamaka­lawa ng gabi sa Quezon City.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Malvar General Hospital ang biktimang nakila­lang si Ernesto Amparo, 52, negosyante, at residente ng #20-B Sto. Domingo St., Holy Spirit, ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman nga­yon ang tumakas na suspek na si Ruden Salud, alyas Sakay, 56,  at residente ng #18-B Sto. Do­mingo St., ng naturang ba­rangay.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa tapat ng bahay ng biktima.

Nabatid na si Amparo ay dating asawa ng kapatid na babae ni Salud na nanirahan sa paupahang bahay ng suspek.  Hindi naman umalis ng naturang bahay si Amparo nang makipag­hiwalay dito ang asawa nito.

Sa imbestigasyon, pinalala­yas na ni Salud ang biktima sa pag-aari niyang bahay ngunit nag­matigas ito.  Isang pagtatalo ang sumiklab hanggang sa mag­hamon na ang suspek nang duwelo sabay bunot ng dala nitong armas. Dito sumakay ng kanyang brown na Mitsubishi Lancer (PHA-356) ang biktima upang umiwas sa suspek kung saan dito na siya pinaputukan nito.  Nagawa namang maka­labas ng kotse at makapasok ng bahay ng biktima ngunit si­nundan pa rin ito ni Salud kung saan tiniyak ang kamatayan ni Amparo nang muli itong barilin.

Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng kotse ni Amparo habang isinugod naman ito ng mga kaanak sa paga­mutan kung saan binawian ito ng buhay. (Danilo Garcia)

Show comments