Inilagay na kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa full red alert status ang buong Metro Manila dahil sa banta ng “spill-over” ng digmaan na nagaganap sa Mindanao.
Kaugnay nito, aabot sa 4,000 pulis ang itatalaga sa Makati City upang tiyakin ang seguridad sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) Economic Minister’s Meeting ngayong linggo dahil sa posibleng banta ng mga terorista.
Sinabi ni NCRPO deputy director, C/Supt. Eric Javier na kahalintulad na seguridad na ipinatupad nila sa nagdaang Asean Foreign Minister’s Summit sa Pasay City ang kanilang ipapatupad ngayon sa Makati.
Kabilang sa seguridad na ipapatupad ang pakikipag-ugnayan sa mga hotel na tutuluyan ng mga dayuhang delegado, pagtatalaga ng close-in security buhat sa PNP sa mga delegado, paglalagay ng checkpoints sa Makati at paghahanda sa inaasahang mga kilos-protesta.
Inaasahan ng pulisya ang pagdalo ng 25 economic ministers at mga kasamahang delegado buhat sa iba’t ibang bansa sa Asya ang dadalo para sa pagpupulong ukol sa isyu sa ekonomiya ng rehiyon ngayong Miyerkules.
Nakatutok ang pulisya sa posibleng pananabotahe ng mga terorista at iba pang elemento na kalaban ng pamahalaan sa naturang pagtitipon.
Inilagay rin naman ng PNP sa red alert ang rehiyon ng Mindanao at heightened alert ang ibang panig ng bansa. (Danilo Garcia)