Sekyu utas sa kabaro

Isang manhunt operation ngayon ang isinasagawa ng Manila Police District (MPD)laban sa  isang security guard  na bumaril at nakapatay sa kanyang kabaro sa loob ng  pinapasukan nilang condominium building sa Sta. Mesa, Maynila.

Si Edwin Monlean, 31, may-asawa at residente ng no.556 Bal­tazar St. Tondo Maynila ay pinaghahanap matapos nitong mapatay ang biktimang si Billy Dela Cruz,  may-asawa, ng 30B Sta Maxima St., Gulod, Novaliches na namatay noon din sa lugar na pinang­yarihan ng krimen sanhi ng tama ng shotgun sa ulo at katawan.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob  ng guards quarter sa Gardenville Condo­minium, Sta. Mesa, Manila na doon kapwa  naka-duty ang dalawa.          

Ayon sa salaysay ni Rene Otos, kasamahang guwardiya  ng dalawa, nagising siya nang marinig ang malakas na putok at doon niya nakita ang pagbaril ni Monlean kay Dela Cruz gamit ang service  firearm nitong shotgun bago ito tumakas.         

Nabatid na kapwa panggabing naka-duty ang dalawa kaya hinala ng pulisya  na lamangan sa oras  ng  trabaho ang motibo ng pag­patay ng suspek sa biktima. (Doris Franche)

Show comments