Isang malawakang imbestigasyon ang isinasagawa ng mga tauhan ng Pasay-PNP kaugnay sa pagkakadukot ng armadong mga kalalakihan sa isang magandang piping estudyante habang nasa kasagsagan ng malakas na ulan, kamakalawa ng tanghali sa naturang lungsod.
Mismong ang faculty member ng Philippine School for the Deaf, na nasa F.B. Harrison St., Pasay City na si Ms. Edna Paraiso ang nag-report kahapon sa himpilan ng pulisya hinggil sa pagkakadukot sa kanyang estudyante na si May Delia Peña, 26, residente ng Pilar Village, Las Piñas City.
Ayon sa report, dakong alas-9:30 ng umaga nang ideklara ng Department of Education (DepEd) ang suspensiyon ng klase sa Elementarya at High School.
Bandang 12:30 ng tanghali, kasama ng dalaga ang kanyang kamag-aral na sina Jecel Joy Boaquillos, 13, ng Road 2-4 Signal Village, Taguig City at Joy Ann del Rosario, 15, ng Kalsadang Bago, Imus, Cavite na naghihintay ng masasakyan sa waiting shed sa EDSA, malapit sa Heritage Hotel, sa naturang lungsod pauwi ng kanilang bahay.
Nasaksihan ng mga kamag-aral ng biktima nang biglang pumarada ang isang van na hindi nakuha ang plaka at isa sa tatlong lalaki ang sapilitang isinakay ang dalaga sa sasakyan at itinakas ang biktima patungong Diosdado Macapagal Avenue. Sa pagsasalarawan sa pamamagitan ng senyas ng mga nakasaksing pipi, isa sa dumukot sa dalaga ay nakasuot ng kulay itim na sando, nakasumbrero, may ahas na tattoo sa kaliwang braso at seksing babae sa kaliwa.
Kahapon ng umaga, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga magulang ng dalaga na nagbigay impormasyon hinggil sa kanilang hinala na posibleng ang dating masidhing manliligaw ng kanilang anak ang may kagagawan sa pagkakadukot sa kanilang anak. (Rose Tamayo-Tesoro)