Tinatayang nasa gulang na 6-8-anyos ang batang babae na natagpuang nakasilid sa loob ng isang maleta sa break water ng Manila Bay, kahapon ng umaga sa North Harbor, Manila.
Batay sa report ng Manila Police District-Homicide division, inakala umano ng tatlong binatilyong namumulot ng plastic ay naka “jackpot” sila matapos makita ang isang kulay berdeng travelling bag na may gulong na nakalutang sa break water ng Manila Bay sa likod ng Manila International Container Terminal (MICT) dakong alas-8 ng umaga.
Subalit laking gulat umano ng mga binatilyo nang tumambad sa kanila ang namamaga nang katawan ng isang batang babae na nakasuot ng jogging pants na dilaw, hanggang balikat ang buhok, kayumanggi at may nakapulupot na electric wire sa leeg.
Nakalitaw umano ang paa ng biktima kaya kaagad na nagsumbong ang mga binatilyo sa Security Guard na si Boy Mahinay na nagpatulong naman sa mangingisdang si Bienvenido Dalantan para maiahon ang bangkay ng bata na pinagkasya sa loob ng maleta.
Sinabi ni Det. Richard Lumban ng Manila Police na may isang araw nang patay ang biktima na walang saplot na pang-itaas nang matagpuan ng mga bata.
Napansin din ng pulisya ang nakasulat na pangalan sa maleta na “Baishor Disona”, gayundin sa jogging pants ng biktima ang pangalang “Lovely 5”.
Malaki ang paniniwala ng pulisya na pinatay sa pamamagitan ng sakal ang biktima at inilagay sa maleta bago itinapon sa Manila Bay.