Dalawang Korean nationals ang nasakote ng mga operatiba ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (PNP- CIDG) matapos makumpiskahan ng aabot sa kalahating milyong halaga ng mga counterfeit drugs o pekeng gamot sa isinagawang raid sa isang tindahan sa Pasay City, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni CIDG Chief, Director Edgardo Doromal ang mga nasakoteng suspect na sina Choeng Joeng Jo, 43, salesman ng TAI Handicraft at Youn Kyung Kwon, 32, manager ng nasabing establisimyento.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Judge Edwin Ramizo ng Regional Trial Court Branch 14, pasado alas-1 ng tanghali sa tindahan ng mga suspect na matatagpuan sa Citem 3, PNB Financial Center sa kahabaan ng Buendia Avenue ng nasabing lungsod.
Hindi na nakapalag ang dalawang Koreano matapos damputin ng mga awtoridad. Nasamsam sa operasyon ang mga pekeng pharmaceutical drugs gaya ng shark cartilage, plamax, multi-vitamins, noni capsules, heap-tri capsules, paragon albu-max capsules, children’s vitamins at noni powder.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Special Law on Counterfeit Drugs ang mga suspect sa Prosecutor’s Office ng Pasay City. (Joy Cantos)