Limang miyembro ng isang pamilyang Tsinoy ang nasawi makaraang masunog ang kanilang bahay sa loob ng compound ng pabrika ng air-conditioning machine, kahapon ng madaling araw sa Novaliches, Quezon City.
Narekober ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang natustang bangkay ng mga biktimang sina Michael Go; asawa na si Ana; mga anak na sina Michael Ray, 3; Maverick, 8 at Marjorie, 12.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Fire Department, napansin ng mga stay-in na trabahador ng Alliance Marketing ang pagsiklab ng apoy dakong alas-2 ng madaling araw sa #15 Mendoza Compound 1, Nagkaisang Nayon, Novaliches.
Agad namang rumesponde ang mga pamatay-sunog ng lungsod at mga volunteers kung saan umabot ng ikaapat na alarma ang apoy.
Tumagal ng mahigit dalawang oras ang sunog kung saan tuluyang natupok ang buong bahay at nahagip ang pabrika. Naapula ang apoy dakong alas-4:30 ng madaling-araw.
Ayon kay Brgy. Chairman Bert Mendoza, nakalabas pa ng bahay ang ama na si Michael ngunit muli itong bumalik sa nagliliyab niyang bahay upang iligtas ang kanyang pamilya kung saan hindi na ito nakabalik.
Natagpuan ng mga bumbero ang bangkay ng mga bata na magkakayakap sa isang bahagi ng bahay, isa pang bangkay ang natagpuan sa ibabaw ng kama at isa pa ang nadiskubre na naipit ng mga bumagsak na bubong ng bahay.
Ayon sa mga trabahador, tinangka nilang iligtas ang pamilya nang maliit pa ang apoy ngunit hindi na nila nagawa dahil sa nakakandado ang mga pinto ng bahay hanggang sa maging huli na at tuluyan nang lumaki ang sunog.
Nagsasagawa naman ngayon ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid ang pinagmulan ng apoy.