May kabuuang 20 pamilya ang nawalan ng tirahan nang ang kanilang mga bahay ay matabunan ng tone-toneladang tambak ng basura sa Payatas Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay Director Roberto Jaymalin, hepe ng Payatas Operations Group, ganap na alas-6 ng umaga nang bumagsak ang bulto ng basura sa may bahagi ng towering dumpsite sa Leyte St., Brgy. Payatas B dahilan sa pag- uulan na naranasan sa lugar ng madaling-araw ng Biyernes.
Gayunman, wala naman anyang nasugatan man lamang sa insidente. Nailikas na sa mas ligtas na lugar ang mga pamilyang nabiktima ng pagguho ng basura para maiwasang may maapektuhan pa..
May 10 dump trucks anya ang pinadala ng City Hall sa lugar upang kalusin ang gumuhong basura sa naturang mga kabahayan. (Angie dela Cruz)