Matapos makaiwas sa alon sa tubig-baha, isang walong-taong gulang na batang lalaki ang namatay matapos na makuryente sa poste, habang sugatan naman ang tatlong estudyante ng University of Santo Tomas (UST) matapos na makahawak ng isang live wire sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawing paslit na si Raymart Blanco, grade 2-pupil at naninirahan sa 2016 Simon St., Sampaloc ay hindi na umabot pa ng buhay sa Infant Jesus Hospital. Batay sa report, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi kamakalawa sa kahabaan ng Dimasalang St. sa Sampaloc.
Ang biktima ay naglalakad umano sa naturang lugar nang dumaan ang isang trak kaya’t umalon ang tubig-baha papunta sa direksyon nito.
Nang umiwas sa tubig-baha ay napakapit ito sa isang malapit na poste ng kuryente na sinasabing may live wire kung kaya’t nakuryente ito.
Tinangka pa itong isugod sa nasabing pagamutan ngunit idineklara na itong dead-on-arrival.
Samantala, kritikal naman umano ang kondisyon ng mga estudyante ng UST na nakilalang sina Jacinto Angelo Inolino, 17; Franz de Jesus, 15; at Edson Yambot, 17, matapos na makahawak ng live wire dakong 7:30 ng gabi kamakalawa sa Dapitan St. sa Sampaloc.
Sinasabing kakain sana ang mga biktima nang aksidenteng makahawak ng isang poste ng kuryente na may live wire. Ginagamot ang tatlo sa UST Hospital. (Grace dela Cruz)