Isang umano’y miyembro ng international terrorist cell na Jimaah Islamiyah (JI) ang naaresto nang salakayin ng operatiba ang pinagkukutaan nito at makuha sa kanyang posesyon ang iba’t ibang uri ng eksplosibo na kinabibilangan ng isang bala ng mortar at ilang kilo ng bomb components na nakatakda sanang gagamitin ng una sa plano nitong pagpapasabog sa isang kilalang mall, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Batay sa ulat na nakalap mula sa Southern Police District (SPD), dakong alas-2:40 nang salakayin ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang pinagkukutaan ng suspect na si Kaharudin Abdul Osman sa Block 14, Lot 8, Basilan St., Maharlika Village, nabanggit na lungsod na nagbunga sa matagumpay na pagkakaaresto nito.
Nakuha naman sa posesyon ng suspect ang iba’t ibang triggering device na ginagamit sa pagpapasabog ng malalakas na bomba, isang mortar, ilang kilo ng kemikal na C4 na isang bomb component sa paggawa ng isang malakas na bomba at mga baterya.
Napag-alaman na nag-ugat ang matagumpay na pagkakaaresto sa suspect makaraang matunugan at maagapan ang plano sana nitong pagpapasabog sa isang mall sa Bicutan noong Agosto 3 at isailalim na ito sa masusing pagmamanman ng operatiba hanggang sa isagawa ang pagsalakay dito.
Positibo namang kinilala ng awtoridad na umano’y isa ngang miyembro ng JI ang nasabing suspect na sinasabing may misyon na maghasik ng lagim partikular na ang pagpapasabog sa ilang malalaking gusali sa Metro Manila at mga karatig pa nitong lugar. Kasalukuyan namang isinasailalim sa masusing tactical interrogation ang suspect upang alamin kung may kinalaman ito sa mga nagdaang insidente ng pagpapasabog sa ilang pampublikong lugar sa bansa.