Lola, apo patay sa boksingero

Isang manhunt operation ang inilunsad ng mga ta­uhan ng Manila Police Dis­trict laban sa isang bok­singero na gu­mulpi at brutal na pumatay sa kanyang live-in partner at sa apo nito sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng gabi.

Kinilala ni Chief Inspec­tor Alex Yanquiling ng Ma­nila Police District (MPD)-Homi­cide Division  chief ang mga nasawing  biktima na  si Delia Mancio, 52; at apo nitong si Timothy Andrei Solvera, 6, kapwa residente ng  Block 44 Lot 13, 20, C.P. Garcia St., ng nabang­git na lugar.

Pinaghahanap naman ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Roy, 28, na isang boksingero, ka-live-in ng nasawing si Delia.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang in­si­dente dakong alas-8 ng gabi kung saan sinakal umano ng suspect si Man­cio  at saka tinakpan ng unan ang mukha nito, habang pinagsasaksak naman at pinagbubugbog sa mukha ang paslit na si  Timothy.

Ayon kay Det. Manuel Sar­miento,  posible uma­nong na­kita ng batang bik­tima ang  pagpatay ng suspect sa kan­yang lola kaya’t pati ito ay pinatay na rin ng suspect.

Una dito’y may natang­gap na text message ang manu­gang ng biktima na si Recy Solvera mula sa sus­pect kung saan nakasaad umano ang mga mensa­heng “Pinatay ko ang dalawa, ginipit kasi ako sa pera, kung gusto n’yong pa­tunayan ay puntahan nyo sa bahay nila”.

Ang naturang text mes­sage ay kinumpirma naman ng kapitbahay ng biktima na si Myra Oira matapos na tawagan ito ni Solvera.

Maaari din umanong 12-oras nang patay ang mga biktima dahil matigas na ang mga ito at tuyo na ang mga dugo nang matagpuan.

Ayon sa pulisya, pitong buwan na umanong mag-live-in si Mancio at ang suspect habang si Timothy ay palaki  ng kanyang lola.

Show comments