Labing- limang minutong hinostage ng isang preso ang isang stenographer ng Quezon City Regional Trial Court branch 88 kahapon ng alas-10:30 ng umaga.
Kasalukuyang isinasagawa ni Judge Rosanna Maglaya ng RTC Branch 88 ang hearing sa armed robbery case ng preso na si Allan Carbongco nang biglang tinapunan nito ng basag na crystal ang hukom na tumama naman sa wall clock ng sala.
Matapos nito, agad namang naglabas ng screw driver ang suspek at saka hinostage ang court stenographer na si Melinda de Ocampo.
Makalipas ang 15 minuto, pinakawalan din ng suspek si de Ocampo matapos makumbinse ni PO1 Bobby Lomibao na noon ay witness sa isa pang kaso, na kumalma na ang suspek .
“Sinabi ko sa kanya na kumalma siya at pag-usapan ang problema, pinakawalan din naman niya (suspek) si de Ocampo” pahayag ni Lomibao.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Prosecutor Raymond Lledo na una nang nagreklamo si Carbongco na siya ay tinu-torture sa loob ng Quezon City Jail.
Makaraan ang insidente, agad namang naibalik na sa QC jail ang suspek at doon ay patuloy na iniimbestigahan.
Ginamot na sa pinaka malapit na pagamutan si de Ocampo matapos namang magtamo ng sugat sa mukha at galos ang biktima.
Patuloy ding inaalam ng QC police kung paano nakakuha ng screw driver ang suspek sa kanyang pang-hohostage kay de Ocampo. (Angie dela Cruz)