Grade-6 pupil sinapak ni ma’m

Posibleng masibak sa ser­bisyo ang isang science teacher makaraang ireklamo ito ng 12-anyos na mag-aaral  na kanyang sinapak at sinipa makaraang punahin ng huli ang kulangot sa mukha ng una, kamakalawa ng umaga sa Pasay City.

Kasama ang kanyang ina na si Purification Tabios, 35, na dumulog kahapon sa tang­gapan ng pulisya  si Mary Joy, 12, Grade-6 pupil ng Apelo Cruz Elementary School, Edsa ng nabanggit na lung­sod upang pormal na mag­sampa ng reklamo laban kay Daisy Gonatise, science teacher sa nasabing paaralan.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng umaga nang ma­ganap ang nasabing insidente sa loob ng silid-aralan ng bik­tima at ng nasabing guro sa nabanggit na paaralan.

Nabatid na habang nagbi­bigay ng lecture ang suspect sa kanyang mga mag-aaral ay biglang nakaagaw ng pansin sa biktima ang dumi o kulangot sa mukha ng kan­yang guro.

“Sinabi ko lamang po kay ma’am na may kulangot ito sa kanyang mukha na talagang totoo naman po. Nagulat na lang ako nang bigla na lamang po siyang nagalit at pinag­hahampas ako sa mukha saka po sinipa,” ayon pa sa biktima sa panayam sa kanya.

Dahil na rin sa tinamong mga pasa sa katawan ay luhaan na agad na umuwi sa kanilang tahanan ang biktima at nagsumbong sa kanyang magulang.

Agad namang dinala ng kanyang magulang sa Pasay City General Hospital upang lapatan ng karampatang lunas ang mga tinamo nitong sugat.

Hindi pa nagbibigay nang pahayag ang guro ukol dito.

 

Show comments