Manager todas sa holdap

Nasawi ang isang 27-anyos na marketing manager matapos itong holdapin ng apat na armadong kalalakihan na sakay ng motorsiklo matapos itong mag-withdraw sa isang bangko sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.

Namatay habang ginagamot sa Tondo General Hospital sanhi ng apat na tama ng bala ng kalibre .45 baril ang biktimang si Christopher Lumbang ng 112 Escoda st. San Rafael Village Navotas.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 11:15 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng Metro­bank na matatagpuan sa Honorio Lopez Boulevard San Rafael Village,Tondo. Nakasakay na umano ang biktima ka­sama ang kanyang pinsang si Michael Cunanan nang bigla na lamang sumulpot ang mga suspek at pilit na binubuksan ang minamanehong sa­sakyan ni Lumbang na Toyota gold na may plakang ZAM-916.

Subalit nang hindi umano ito buksan ng dalawa ang sasakyan ay bigla na lamang pinagbabaril ng mga suspek ang biktima at saka mabilis na tumakas habang sakay ng motorsiklo na kanilang hinarang. Nasaksihan naman ni PO3 Juancho Cortez na binabaril ng mga suspek ang kotse ng biktima kaya’t kaagad itong rumes­ponde at nakipagbarilan na rin ito sa mga suspek kung saan isa umano ang tinamaan dito.

Nabatid na kagagaling lamang ng biktima sa Metrobank upang mag-withdraw ng pampa­suweldo na nagkakahalaga ng P250,000 na natangay naman ng mga suspek.

Patuloy namang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya laban sa mga suspek na hinihinalang mga miyembro ng motorcycle gang.

Show comments