Pinagbabaril at malubhang nasugatan ang City Administrator ng Muntinlupa City na pamangkin ni Press Secretary Ignacio Bunye, kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.
Nakilala ang biktima na si Roberto Bunye. Nabatid na unang itinakbo sa Muntinlupa Medical Hospital, sanhi ng tinamong mga tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril sa kaliwang bahagi ng katawan si Bunye, subalit agad naman itong inilipat sa Asian Hospital para sa karampatang operasyon sa bala na bumaon sa katawan nito.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang pananambang at pamamaril kay Bunye sa Bruger St., Putatan St., Muntinlupa City.
Napag-alaman na pauwi na sana si Bunye galing sa isang pagpupulong at lulan ito ng isang government vehicle na may plakang SFT-520. Habang binabaybay umano nito ang nasabing lugar ay bigla na lamang siyang hinarang ng isang motorsiklo na kinalulunan ng dalawang armadong suspect at agad na pinaulanan ng bala ang kanyang sasakyan hanggang siya ay tamaan.
Matapos ang pamamaril sa biktima ay agad namang pinaharurot ng mga suspect ang kanilang motorsiklo na hindi na nakuha ang plaka.
Narekober ng crime scene investigators sa pinangyarihan ng insidente ang 20 basyo ng kalibre .45 na baril na ginamit ng mga suspect.
Sa kasalukuyan ay isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng Muntinlupa City-PNP upang alamin kung sino ang nasa likod ng nasabing pananambang kay Bunye at kung ano ang motibo sa tangkang pagpaslang sa huli.
Sa panayam naman kay Bunye, sinabi nito na bago pa man ang nasabing insidente ay matagal na umano siyang nakatanggap ng sunod-sunod na mga pagbabanta sa kanyang buhay. (Rose Tamayo-Tesoro)