Isang barangay chairman na nagpaplanong muling tumakbo sa nalalapit na barangay elections ngayong Oktubre ang nasawi makaraang bistayin ng bala ng tat long hindi pa nakikilalang suspek habang nakikipagpulong ito sa kanyang mga opisyales, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Agad na nasawi matapos na magtamo ng iba’t ibang tama ng bala sa katawan ang biktimang si Ronnie Sicat, 40, may-asawa, chairman ng Brgy. Central, ng naturang lungsod.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang makilala ang mga suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang krimen.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng gabi sa loob ng Barangay Multi-Purpose Hall kung saan kapulong ng biktima ang kanyang mga kagawad at iba pang opisyales.
Ayon sa mga saksi, nagsasalita pa umano si Sicat nang dumating ang tatlong armadong lalaki, pinagmumura ito saka sunud-sunod na pinaputukan. Hindi naman nagawang makatulong ng kanyang mga tanod dahil sa nakatutok rin ang baril ng dalawa pang suspek sa kanila.
Matapos na matiyak na patay na ang biktima ay mistulang walang nangyaring naglakad papalayo ang mga suspek kung saan dalawa sa mga ito ang sumakay ng pampasaherong jeep habang ang isa pa ay naglakad lamang.
Ayon sa mga kapanalig ng biktima, politika umano ang motibo ng naturang pamamaslang dahil sa malakas pa rin umano ang tsansa ng kapitan na muling manalo sa darating na eleksyon.
Kasalukuyan ngayong nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung ano ang motibo sa pagpaslang at kung sino ang gumawa nito.