Namatay noon din ang dalawang sekyu makaraang kapwa pagsasaksakin at pagbabarilin ang mga ito ng kanilang kasamahan ding security guard na rumesbak dahil sa pangangantiyaw ng dalawa, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Charlie Consorte at Danilo Alino na nagtamo ng mga saksak at tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.
Batay sa ulat ni SPO1 Conrad Mapili, may hawak ng kaso na dakong ala-1 ng madaling-araw nang mangyari ang krimen sa loob ng Star Packaging Corp. na matatagpuan sa Bagong Kalsada St. Ususan, Taguig City kung saan nakaposte ang mga biktima.
Ilang minuto matapos ang nasabing insidente ay agad namang naaresto ng pulisya ang suspect na si Ronald Antonio, 32, stay-in guard sa nabanggit na establisimento.
Nabatid na bago ang naganap na krimen ay masaya pang nag-iinuman ang dalawang biktima kasama ang suspect at habang nasa kalagitnaan ng inuman ay kinantiyawan ng dalawa ang huli na lihim naman nitong dinamdam.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na hinintay lamang ng suspect na kapwa malasing at mahimbing na makatulog ang dalawa saka nito isinakatuparan ang paghihiganti kung saan ay una nitong pinagsasasaksak at pinagbabaril si Alino at saka isinunod naman si Consorte.
Ilang residente malapit sa lugar ang nakarinig sa sunud-sunod na putok ng baril kaya agad ma tumawag sa pulisya at dito na rin nadakip ang suspect.