Rambulan at saksakan

Dahil sa hindi matu­gunan ng Commission on Elections ang sulira­nin sa mahabang pila ng registration para sa halalan sa barangay at sangguniang kabataan,  muntik nang mamatay ang isang 22-anyos na delivery boy matapos na saksakin ito ng isang vendor habang naka­pila sa tanggapan ng Comelec kahapon sa Arroceros, Maynila.

Ang biktimang si Mark Anthony Salay, residente ng 858 Area A., Parola, Binondo, Maynila  ay ginagamot sa Ospital ng Maynila  dahil sa tinamong sak­sak nito sa kanyang tagiliran.

Agad na nadakip ng pulisya ang suspek na si Jaymar Sala­meda, 22, vendor, na­­ninira­han sa 532 C.P. de Guz­man, Quiapo.

Bukod kay Sala­meda, arestado din sina Jomar Deroy, 19 ng Gate 58 Area 4, Bi­nondo,  Manila at Rey­nalde Fabaricante, 23,  vendor,  ng 532 Que­zon  Blvd., Quiapo.

Nakapila bandang tanghali sa harapan ng gusali ng Comelec  ang  biktima at mga suspek para mag­parehistro sa nala­lapit na Barangay Election sa Oktubre nang mag­biro umano ang bik­tima at itapon ang hawak niyang bote ng mineral water.

Bunga nito, nabasa ng lamang tubig  ang suspek kaya nagtanong ito kung sino ang nagta­pon ng bote ng mineral  water at nang ituro ang biktima ay walang sabi-sabing naglabas ito ng kutsilyo at itinarak sa tagiliran ng biktima.

Ang pagkakagulo ng dalawa ay sina­mantala rin ng iba pang naka­pilang kabataan upang maglabu-labo at mag­sun­tukan na nag­resulta sa pagkaka­aresto ng iba pang suspek.

Show comments