Tinatayang aabot sa P20M halaga ng mga ari-arian ang naabo matapos ang naganap na sunog sa isang pabrika ng mga karton kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Nabatid na halos maabo ang warehouse ng Philpack Commercial Corporation na pag-aari ng isang Tomas Co na matatagpuan sa Dizon Compound, Marcelo Street, Brgy. Maysan ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa report, bandang alas-5:25 ng madaling-araw nang maglagablab ang apoy sa loob ng production area ng nasabing pabrika at dahil pawang mga karton ang nakaimbak kung kaya’t naging mabilis ang pagkalat ng apoy na naitala sa 4th alarm.
Bukod sa pabrika, nadamay din sa sunog ang sasakyan ng may-ari na isang Mitsubishi van na may plakang RCK-833 at isang mini-forklift kung saan wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente. Dakong alas-10:15 na ng umaga nang maapula ang sunog.
Patuloy pa ring inaalam ang pinagmulan ng sunog. (Lordeth Bonilla)