Nakatakdang parusahan ng National Police Commission ang isang 30-anyos na policewoman na nakatalaga mismo sa tanggapan ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Calderon at sinasabing nagpakalat ng kanyang malalaswang larawan sa internet.
Ito ay matapos na positibong kilalanin ng Napolcom at isalang sa imbestigasyon ang nasabing policewoman na hindi muna ipinapabanggit ang pangalan na may ranggong PO2 at tauhan mismo ni Calderon sa tanggapan nito.
Sa panayam naman ng PSN kay Napolcom Commissioner Bernardo Calibo, kinumpirma nito na hawak na ng kanyang tanggapan ang folder ng nasabing policewoman at nakatakda na itong isalang sa masusing imbestigasyon upang bigyan ng pagkakataong makapagbigay ng sarili nitong panig.
“Dapat siyang tanggalin. Paano mo igagalang ang ganyang babaeng pulis? Isa rin itong sampal kay Calderon,” pahayag ni Calibo.
Bukod sa nasabing policewoman ay nakatakda ring ipatawag ng Napolcom si Gng. Corazon Santos ng Cainta, Rizal na ina ng siyam na taong gulang na batang babaeng kabilang sa unang mga nakakita sa mga malalaswang larawan ng nasabing pulis sa Friendster, isang kilalang site sa internet.
Sinabi pa ng Napolcom na isang conduct unbecoming of an officer ang nilabag ng nasabing policewoman at isa itong grave offense dahilan upang mapatawan ng summary dismissal o tuluyang pagkakatanggal sa trabaho ang huli.
Nabatid na isa sa mga ipinakalat na larawan ng nasabing policewoman ay ang nakasuot lamang siya ng pulang bra sa itaas na bahagi ng katawan nito.
Nag-ugat ang pagkakadiskubre sa malalaswang larawan ng nasabing policewoman makaraang magbukas ng Friendster ang nasabing anak ni Gng. Santos para makipag-komunikasyon sana sa pinsan nito at dito bumulaga ang malalaswang larawan ng una na kalaunan ay natukoy na isang miyembro pala ito ng PNP at tauhan pa man din ni Calderon.