Muli na namang nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng mataas na bilang ng kaso ng mga tinamaan ng dengue sa mga pagamutan sa kalakhang Maynila ngayong buwan ng pagpasok ng tag-ulan.
Sa talaan ng DOH lumalabas na mula Hulyo 1-8, umabot na sa 19 na kaso ang kanilang naitala mula sa Rizal Medical Center sa Eastern Metro Manila at karamihan sa mga biktima dito ay puro mga bata.
Sa mga naturang bilang, apat dito ang positibo sa dengue at isang 10 taong gulang ang may stage 2 hemorrhagic fever.
Samantalang sa lungsod ng Pasig galing ang karamihan sa mga pasyente na biktima ng sakit na dengue.
Ang iba naman na na-confine sa Rizal Medical Center ay buhat sa Taguig, Pateros, at mga lungsod ng Makati at Antipolo.
Sa Amang Rodriguez Medical Center naman sa Marikina City, anim na ang naitalang nagka-dengue sa buwang ito. Dahil dito kaya’t muling hinikayat ng mga opisyal ng DOH ang mga residente na gawin ang lahat ng preventive steps upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Nilinaw naman ng DOH na hindi lamang umano sakit dala ng tag-ulan ang dengue dahil umaatake na rin ang lamok na nagtataglay ng dengue sa buong taon. Ang malinis umanong kapaligiran ang susi upang malabanan ang dengue upang hindi dumami ang lamok na nagtataglay ng dengue. (Gemma Amargo-Garcia)